Disyembre 3, 2009

How do we begin to construct a society in which the good in government are encouraged to do better, and public service is valued as the highest vocation of a citizen? … I believe the starting point has got to be the formation of politicized citizens and their organization into self-reliant groups. Such citizens’ groups are the natural constituency of reform.
- p.149 Nation, Self and Citizenship: An Invitation to Philippine Sociology (2002) by Randolf S. David
Mula nang umuwi ako, nakakatuwang nakakalungkot panoorin ang reaksyon ng kaibigan, kapamilya at kakilala kapag ang usapan ay napupunta sa politika at ang kapakanan ng Pilipinas. Ang malawak na ngiti ay nawawala at ang mga mata’y dumidilim. Ang karaniwang Pilipino ay naglalaho kapag nabigkas ang salitang ‘politika’.
Oo, nakakapanlumo sundan ang politikang Pilipino, at bilang karaniwang mamamayan tila wala kang kapangyarihan baguhin ang Pilipinas. Subalit, ang hindi pakikialam ng nakararami sa atin ay nangangahulugan na ang iilan lamang - ang mayayaman, may lupa, may lakas - ang magtatala ng patutunguhan ng ating bayan. At alam naman nating lahat na kapag iilan lang ang may hawak ng kapangyarihan, iilan lang din ang makikinabang.
Kaya kahit hindi ka mag-martsa sa Mendiola para sa kapakanan ng magsasaka, o maging human shield sa isang strike para sa manggagawang Pilipino - okey lang. Ito na lang ang gawin mo: magsalita.
Sapat na sa ngayon ang gumising ka lang. Habang nakasakay ka sa jeep, pag-isipan mo ang kapakanan ng iyong bansa, at makipag-usap ka sa kaibigan mo, kamag-anak, o katrabaho kung saan patungo ang bansa mo. Because many have forgotten that the Philippines is not a ‘given’ - the Philippines has not always existed, and it may not always exist. Ang Pilipinas ay isang proyekto - sinusubukan nating 90-milyong katao kung tama ba na mabuhay tayo ng sama-sama sa ilalim ng isang bandila. Anumang araw, ang isang bansa ay maaaring mabuwag, mabuong muli, o maglaho mula sa daigdig.
Ang Pilipinas ay bata pa. Wala pang highschool kumbaga. Marami pa itong kaning kakainin, o… i-aangkat. At kapag hindi natin ibinigay ang lubos na ating makakaya sa proyekto ng “Pilipinas”, may totoong posibilidad na ito ay mabubuwag.
Handa ka bang mabuhay sa isang mundong walang “Pilipinas”?

