Oktubre 5, 2009
Ako ay dalawampu’t-tatlong taong gulang. At ito ang aking unang halalan.
Umalis ang aking pamilya noong taong 2000 para manirahan sa Australia. Doon na ako nagtapos ng mataas na paaralan at nagpatuloy ng pag-aaral sa Unibersidad ng Sydney. Sa aking pagtatapos, ako’y nagpasyang umuwi ng Pilipinas at manatili rito - upang magtrabaho, maglingkod, mabuhay at mamatay. At ngayon, para bumoto. Sana naman wag akong mamatay habang bumoboto. Please lang.
Ito ang tala ng isang bagong botante, patungo sa mga halalan ng Mayo 2010.
Kanina ako ay nagparehistro sa munisipyo ng San Pedro, Laguna. Ang bayang ito, alam niyo ba, ay isa sa mga unang bayan na itinalaga ng mga Kastila sa Pilipinas. Ito ay tinatawag noong San Pedro Tunasan (ngayon ang San Pedro ay bahagi ng lalawigan ng Laguna, at ang Tunasan ay sa lungsod ng Muntinlupa), at ang kalakhan ng lupa dito noon ay pagmamay-ari ng mga prayle (Dominikano yata, o Heswita. Same difference.)
Maraming tao sa opisina ng COMELEC sa munisipyo kanina. Mainit at maingay, ngunit organisado naman ang paraan ng pag-rehistro. Hindi ako nginitian ni Ate nang humingi ako ng form, pero ok lang. Maingat kong pinunuan ang mga blanko ng form at ipinasa kay Ate, na dahil yata sa pagod ay may kaunting simangot na. Binigyan niya ako ng numero, 42, at sinabing maupo ako. Tatanungin ko sana si Ate, “Saan?”, pero minabuti kong hindi na lang kasi baka maging 52 ang numero ko imbis na 42.
Sumandal ako sa isang sulok at nagbasa. “Sa Kuko ng Liwanag” ni E.M. Reyes, basahin niyo, isang mahalagang libro. Habang ako’y nagbabasa, may batang lalakeng umiiyak na sa init at inip ng paghihintay. Nang hindi siya tumigil matapos pagsabihan, ilang beses siyang sinampal ng kanyang ama. Kamusta naman. Saan ka nakakita ng batang tumahan sa pag-iyak sa pamamagitan ng sampal? “Tahan na baby… tahan na sabi eh-” PAK! “Opo ‘tay.” Sana may halalan din para sa mga magulang.
Matapos ang isang oras, pinapasok ako sa opisina ni Ate (wala pa ring ngiti, pero mabango naman siya) at kinuhanan ako ng litrato. Isinawsaw ang aking mga hinlalaki sa ink pad at binigyan ng pirasong papel - ako ay isa nang rehistradong botante. Wala pa daw Voter’s ID sa ngayon, hindi ko alam kung bakit. Pero kung meron man, ang sabi ng papel sa bintana ni Ate, ay wala daw itong bayad.
Sa tabi ng papel na ito, may isa pang nakapaskil. Ang Voter’s ID daw ay hindi laminado, kaya, inihahandog ni Mayor Calixto Cataquiz mula sa bukal ng kanyang kaluluwa, ang libreng ‘lamination’. Ang bait naman ni Mayor.