Disyembre 1, 2009
Ipinagmamalaki ni Manny Villar na siya ay laking Tondo. Ipinagmamalaki ni Manny Villar na siya ay hindi trapo, hindi siya mula sa isang mayamang pamilya, ang kanyang yaman ngayon ay bunga ng sariling sikap.
Hindi naiintindihan ni Manny Villar na ang pagiging trapo ay hindi lamang patungkol sa iyong pinanggalingan. Ang pagiging trapo ay isang ugali, ito ay uri ng politika na ‘di akma sa mga prinsipyo ng demokrasya.

Ang isang trapo ay isang patron - isang politikong mistulang ama ng taumbayan. Siya ay malalapitan upang hingan ng pang-libing. Siya ay malalapitan upang hingan ng pambayad sa ospital. Ano nga ba ang masama sa isang alcalde o kongresista o presidenteng nagbibigay ng pang-ospital sa isang botante?
Una, saan ba niya kinuha ang perang “ipinahiram” sa botante? Hindi ba ito ay buwis rin naman ng mamamayan na tinatakan lang ng kanyang mukha at pangalan?
Ngunit, kahit hindi man nakaw sa kaban ng bayan ang pera ng isang trapo, ang politika ng patron ay nagbibigay ng pansamantalang solusyon sa mas malawak na problema ng bayan. Binigyan ka nga ng pambayad sa ospital, ngunit, ano ba ang mga dahilan para ang anak mo ay ma-ospital?
Kakulangan sa nutrisyon? Bakit? Dahil maliit lang ang sahod sa iyong trabaho. Bakit maliit lang ang sahod sa iyong trabaho? Dahil walang magagandang trabaho para sa nakatapos lamang ng mataas na paaralan. Bakit hindi ka nakapag-kolehiyo? Dahil walang pang-matrikula. Bakit walang pang-matrikula? Dahil ang magulang mo’y walang magandang trabaho, at tulad mo rin ngayon - pinabayaan ng estado.
Responsibilidad ng estado ang bigyan ang bawat mamamayan ng magandang edukasyon. Responsibilidad ng mamamayang mag-aral ng mabuti. Tungkulin ng estado ang palaguin ang ekonomiya ng bansa, upang magkaroon ng sapat na trabaho para sa bawat Pilipino. Tungkulin ng mamamayan ang maghanap at pagbutihin ang kanyang trabaho.
Ang politika ng trapo ay pansamantala at nananamantala. Binigyan ka ng isda para kainin ngayon, ngunit hindi ka tinuruang mangisda upang pakainin ang iyong sarili bukas. Sadya ito, upang ang mamamayan ay umasa sa kanya. At bilang pagtanaw ng utang na loob, siya ay iboto sa susunod na halalan, dahil siya ay naging mabuting patron.
Si Manny Villar ay nagmula nga sa Tondo, ngunit siya ay lumaki ring trapo. Sayang.